Tatlumpu't anim (36) na small business owners sa bayan ng Macabebe, Pampanga ang binigyang kaalaman ukol sa tamang pagrerehistro at fiscal management ng kanilang mga negosyo
Sa pamamagitan ng Multi-Stakeholders Advisory Committee (MSAC) ng Ing Kulitan ay ginanap ang Project PARUL: Negoskwela sa Barangay Batch 3 sa RHU I Multi-Purpose Hall, Brgy. Santa Rita, Macabebe, Pampanga noong ika-8 ng Agosto, 2024.
Ang Pampanga Chamber of Commerce & Industry (PamCham), Department of Trade and Industry (DTI) Pampanga, Landbank of the Philippines, at Bank of Florida ay nagbigay ng diskusyon at talakayan na may kaugnayan sa pagne-negosyo. Sa suporta ng pamahalaang lokal ng Macabebe, matagumpay na naisagawa ang aktibidad na naglalayong mapahusay ang kanilang kakayahan upang mapanatili at palawakin ang kanilang mga negosyo.
"Gusto po natin na ang sentro ng kaalaman ay dumadaloy sa Pampanga at isa po sa mga mahahalagang sektor ng gobyerno ay ang sektor ng ekonomiya," pahayag ni Dir. Myra B. Moral-Soriano, Panlalawigang Patnugot ng DILG Pampanga.
Isa rin sa mga natalakay ay ang Pampanga Loan Assistance Program na inilunsad ng Pamahalaang Panlalawigan ng Pampanga, katuwang ang PamCham at DTI Pampanga. Ang loan program ay itinatag upang kilalanin ang mahalagang papel ng mga small to medium enterprises (SMEs) sa ekonomiya ng probinsiya at para tulungan silang makabangon mula sa mga epekto ng pandemya ng COVID-19.