Ibanians ang bida at naging sentro ng isinagawang Retooled Community Support Program (RCSP) Serbisyo Caravan, noong ika-28 ng Agosto, 2024 na ginanap sa Brgy. Sta. Barbara, Iba, Zambales. Ang nasabing aktibidad ay pinangunahan ng lokal na pamahalaan ng Iba na pinamumunuan ni Kgg. Irenea A. Binan, Punong Bayan, sa pakikipagtulungan sa Kagawaran ng Interyor at Pamahalaang Lokal, Hukbong Katihan ng Pilipinas, Tanggapan ng Pulisya, at Technical Education and Skills Development Authority o TESDA, at iba pang mga ahensya.
Kabilang sa mga libreng serbisyong inihandog ng mga kasaping ahensiya at tanggapan para sa mga mamamayan ay ang mga sumusunod:
1. Libreng Gupit;
2. Libreng Tsinelas;
3. Pagbibigay ng Certification of Enrollment para sa mga 4Ps beneficiaries at Alternative Learning System (ALS) enrollment;
4. Dishwashing Liquid Making;
5. Free Sketch of Electrical Layout;
6. Libreng konsultasyon para sa application for business permit;
7. Medical Consultation, Vaccines, TB cases consultation, HPV Vaccination, Pneumonia Vaccination, at libreng gamot para sa mga nangangailangan; at
8. Registration for Crop/animals/boat insurance.
Ayon kay Kgg. Binan, ang ganitong programa ay napakahalaga para sa kanilang bayan at sa mga mamamayan, dahil isa ito sa mga pagkakataon na nailalapit ng gobyerno ang mga serbisyo sa publiko. "....kaya po wag kayong magdalawang isip na humingi ng tulong, dahil mayroon naman tayong gobyerno na handang tumugon at tumulong sa inyo", paliwanag nito sa mga residente.
Ipinaabot naman ni LGOO VII/CTL Melissa D. Nipal, Opisyal na Nangunguna ng Panlalawigang Tanggapan ng Interyor at Pamahalaang Lokal, ang kaniyang pasasalamat sa mga taong tumulong at naging bahagi ng programa. Binigyang diin niya rin na ang pamahalaang lokal ay sinisiguro na ang bawat serbisyo at pangangailangan ng bawat mamamayan ng Iba ay abot-kamay ng bawat isa.
Samantala, ipinaliwanag naman ni LGOO IV Melvin C. Panlilio, RCSP Regional Focal Person, na ang RCSP ay nagsisilbing tulay tungo sa kapayapaan at kaunlaran. Ayon sa kaniya, layunin din ng programa na mailapit sa masa ang hangad nilang mga serbisyo at gawing mas kapakipakinabang sa lahat lalo na sa mga taong nakatira sa mga liblib na lugar. "... dahil ang hangad po ng RCSP ay magkaroon ng maunlad na pamayanan, para sa mga mamamayan", sambit niya.
Ang RCSP ay naglalayon na pag-igtingin ang kooperasyon ng lokal na pamahalaan at komunidad upang labanan at wakasan ang insurhensya sa pamamagitan ng pag-aabot ng tulong at serbisyo sa ating mga mamamayan.