Upang isulong ang aktibong pakikilahok ng civil society sa pagpapatupad ng mga programa nito, ang Pamahalaang Lungsod ng Olongapo, sa pakikipagtulungan ng Kagawaran ng Interyor at Pamahaalang Lokal (DILG) – Olongapo, ay nagpulong ng mga kinatawan ng Civil Society Organizations (CSOs) sa lungsod noong Miyerkules, ika-10 ng Agosto, sa Gordon College.
Ang nasabing pagpupulong ay ang CSO Conference na naglalayong maipaalam ang patakarang sumasaklaw sa akreditasyon ng mga CSO sa mga yunit ng pamahalaang lokal at hikayatin ang mga CSO na magpa-akredit.
Ipinaliwanag ni LGOO VI Fernando M. Erese Jr. ng DILG Olongapo ang proseso, timeline, at mga kinakailangan para sa akreditasyon ng CSO, pati na rin ang polisiya sa pagbuo ng People's Council.
Binigyang-diin din ni Direktor Amada T. Dumagat ng DILG Olongapo sa komperensya na ang People's Council ay organisasyon ng mga CSO na binibigyan ng lebel ng awtonomiya sa pagpili ng mga kinatawan sa local special bodies, kaiba sa CSO Assembly na nabuo noong 2013 para sa dating programa ng DILG na Bottom-up-Budgeting.
Ang akreditasyon sa lokal na pamahalaan ay ang pangunahing paraan upang maging miyembro ng City Development Council, ang konsehong pangunahing nagpaplano para sa lungsod. Ang mga akreditadong CSO ay kwalipikado rin na maging miyembro ng City Health Board, City School Board, at City Peace and Order Council, bukod sa iba pa.
Dahil dito, hinimok ni Konsehala Lugie Lipumano-Garcia ang lahat ng mga CSO sa lungsod na magpasa ng aplikasyon para sa akreditasyon ng Sangguniang Panlungsod.