Ang Lokal na Pamahalaan (LGU) ng Botolan, Zambales sa pakikipagtulungan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) Botolan Field Office, ay nagsagawa ng isang CSO Conference noong Agosto 4, 2022 sa PFC John Paul R. Villanueva Hall, Gusali ng Munisipyo, Barangay Batonlapoc, Botolan, Zambales kasama ang mga civil society organizations (CSOs) ng bayan. Ang gawain ay naglalayong magbigay impormasyon sa mga tungkulin ng mga CSOs na magiging bahagi ng mga Local Special Bodies, at makamit ang kanilang ganap ng partisipasyon sa lokal na pamamahala.
Ang CSO Conference ay alinsunod sa DILG Memorandum Sirkular Bilang 2022-083 at Republic Act 7160 na nag-uutos sa mga lokal na pamahalaan na isulong ang pagtatatag at pagpapatakbo ng mga organisasyon ng mamamayan, non-government organizations, at pribadong sektor, na gawin silang aktibong katuwang sa paghahangad ng lokal na awtonomiya, at direktang iakay sila sa mga pagpaplano ng mga programa, proyekto at aktibidad sa komunidad.
Sa kanilang mga mensahe, inilahad ni Municipal Administrator Jeffrey Bautista at Bise Alkalde Doris D. Ladines, na ang CSO Conference ay nagsisilbing isang instrumental na hakbanging magpapasigla ng Local Special Bodies, na gumaganap ng mahahalagang tungkulin sa pangagasiwa sa pamahalaang lokal.
Sa kabilang banda, ang Punong Tagapagpakilos ng Pamahalaang Lokal na si Shieralyn B. Esteban ay nangasiwa ng diskusyon sa kahalagahan ng participatory governance, gabay sa pag aakredit ng LGU sa mga CSO at pagbuo ng mga Local Special Bodies, mga daan ng partisipasyon ng mga CSO alinsunod sa RA 7169 at iba pang batas, at ang pagbuo ng local CSO network o Local People's council.
"Kinikilala ng DILG ang kahalagahan ng mga CSO sa proseso ng paggawa ng desisyon, pagpaplano ng programa, pagpapatupad at pagsubaybay sa lokal na antas upang mapataas ang pagtugon at kahusayan ng mga LGU sa paghahatid ng mga serbisyo batay sa RA 7160," aniya.
Sa huling bahagi ng programa, muling ibinuod nina G. Gladys De Vera, Kalihim ng Sangguniang Bayan at ni Municipal Planning and Development Coordinator Melanie C. Baysa ang proseso, timeline, at mga kinakailangan para sa akreditasyon ng CSO.
Tinatayang apatnapu't dalawang (42) mga CSO, kasama si CSO Desk Officer, G. Gabrielli Damasco ang lumahok sa nasabing gawain.