Patuloy ang pagtutulungan ng DILG, DOH at Panlalawigang Pamahalaan ng Pampanga sa gitna ng pagtaas ng bilang ng kaso ng COVID-19 sa lalawigan.
Kaugnay nito, nagkaroon ng isang pagpupulong noong January 17 ang mga nabanggit na tanggapan sa pangunguna ng DILG, upang pag-usapan ang mga kasalukuyang suliranin sa gitna ng COVID-19 surge. Pangunahing isyu na natukoy ay ang ang pagtaas ng Hospital Bed Occupancy Rate na nakakaapekto sa operasyon ng mga ospital.
Bunsod nito, nanawagan si Governor Dennis G. Pineda na buksan ang lahat ng mga isolation facilities sa lalawigan at i-rehistro ito sa DOH bilang karagdagan sa mga Temporary Treatment and Monitoring Facilities (TTMF).
Mariin namang pinaaalalahanan ng DILG ang bawat lokal na pamahalaan na siguraduhing bukas ang kani-kanilang Operation Centers para sa COVID-19 monitoring and response, gayundin ang pagtalima sa inilabas na DOH Memorandum No. 2022-13 patungkol sa Updated Guidelines on Quarantine, Isolation, and Testing for COVID-19.